Dangal ng Bawat Mamamayan ang Kanyang Malinis na Reputasyon
(Ang opisyal na pahayag ni Gobernador Amado T. Espino, Jr.
sa pagsasampa ng kasong libelo sa ilang komentarista)
Ang walang tigil na pagtuligsa at paninira sa radyo sa aking administrasyon at pagkatao ng ilang komentarista ay lubhang nagiging madumi, malaswa at pawang kasinungalingan, ay hindi dapat paniwalaan o pag-aksayahan ng pansin ng responsable, matino at disenteng mamamayan.
Maliwanag na ang paninirang puri ay gawa-gawa lamang ng mga bayarang mamamahayag na sumusunod sa utos ng mga tao o grupo sa pulitika na naniniwalang ang tanging paraan lamang upang sila’y magtagumpay sa susunod na eleksyon ay durugin ang pangalan, reputasyon at mga kabutihang nagawa nitong mga nagdaang taon ng kasalukuyang pamumuno ng inyong lingkod, na sa dalawang nagdaang eleksyon ay ibinoto at pinagkatiwalaan ng mga botante ng may mahigit na 550,000 na kalamangang boto, mga matinding tagumpay na hindi napantayan ninuman ng mga tumakbong gobernador sa kasaysayan ng ating lalawigan.
Bilang isang namumuno at naging lingkod ng bayan sa iba’t-ibang posisyon na aking ginampanan sa loob ng mahigit na 45 na taon, ay marami nang pagtatalo-talo at karahasan ang aking napagdaanan, kung kaya’t hindi na bago sa akin ang mga sigalot na dulot ng pulitika.
Ngunit sa loob ng mahabang panahong ako’y nanungkulan, naging sensitibo ako sa pulso ng bayan, sa mga puna at hinaing ng bayan at mamamayang aking pinaglilingkuran ng buong puso na ilang beses kong muntik ng ikinamatay, at nitong magsi-siyam na taong nakalipas, nakapagdulot ng mga tagumpay na ating sama-samang nakamit na ikinabuti ng kalagayan ng ating mahal na lalawigan–kung kaya’t hindi ko maiwasang itanong: Dapat ba ang karumal-dumal na pagsira sa aking katauhan, ang mga kasinungalingang nilubid ng maruming pulitika? Dapat ko rin ba itong tiisin at ipagdusa bilang isang lingkod-bayan? Lalo na’t ang paninirang ito ay mula sa mga tao na nagmamagaling na mahal daw nila ang ating bayan?
Aking inuulit, hindi ko papayagang sirain ng maruming pulitika ang ating pagkakaisa at mga naitayong pondasyon para sa kapakanan ng bayan. Ito ang dahilan kung bakit kamakailan lamang ako’y umapela sa ating mga kasamahan sa media na maging propesyonal at disente sa pagbibigay ng komentaryo sa kani-kanilang programa.
Ngunit ako’y tao ring nasasaktan sa walang habas na paninirang-puri at mga baluktot na katuwiran. At ang napakasakit ay ang mga kasinungalingang ito ay labis nang iniinda ng aking mga mahal sa buhay, kasamahan at mga kaibigan, lalo na ng mga may kapansanan sa kanila.
Ito ang nagbugso sa akin na magsampa ng mga kasong libelo laban sa ilang komentarista sa ating lalawigan na naaayon sa ating batas at mga prinsipyo ng disenteng lipunan – ang ipagtanggol ang reputasyon at pangalan ng aking pamilya sa mga nais maglugmok sa malinis nating liderato at pagkakaisang ating pinagsikapang makamit, at iparating sa ating mga kababayan, lalo na sa mga naniwala at sumuporta sa mga adhikaing ating ipinaglaban, ang kabuktutang ginagawa ng ating mga katunggali sa larangan ng pulitika.
Ang magandang reputasyon at malinis na pangalan ng aking pamilya na mulat sapol ay aking inalagaan at inaruga, ang siyang natatangi at nag-iisang kayamanan na aking ipamamana sa aking mga anak at sa mga magiging anak nila. Ito, uulitin ko, ang nagtulak sa akin upang magsampa ng kasong libelo sa ilang mamamahayag. Patuloy kong iingatan at pahahalagahan ang malinis na reputasyon kasabay ng pagbibigay ko ng tapat na serbisyo sa ating pinakamamahal na bayan.