REPORT OF GOV. AMADO T. ESPINO, JR.

PANGHULING ULAT SA BAYAN ni
GOBERNADOR AMADO T. ESPINO, JR.

(REPORT OF GOV. AMADO T. ESPINO, JR. ON
THE STATE OF THE PROVINCE OF PANGASINAN)

FEBRUARY 10, 2016
CAPITOL PLAZA, LINGAYEN, PANGASINAN

Ang ating Bise-Gobernador Jose Ferdinand Z. Calimlim, Jr. at mga myembro ng ating Sangguniang Panlalawigan, ang aking kabiyak at minamahal na Mely, kasama ang aking pamilya, ang mga iginagalang na Congressmen na dumalo ngayon, ang ating mga alkalde, mga bise-alkalde, mga konsehal, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga punong barangay at mga barangay kagawad, mga kinatawan ng iba pang sangay ng gobyerno, ang ating mga katuwang at kaibigan sa pribadong sektor, mga bisita at iba pang panauhin, mga kapuwa ko lingkod bayan, mga minamahal kong kababayan:

Magandang umaga po.  Masanton kabuasan ed sikayon amin.

Sadyang napaka-bilis ng panahon.

Parang kahapon lamang, ngunit walong taon, pitong buwan at sampung araw na pala ang nakalipas, mula June 30, 2007, noong ako ay sumumpa at umupo sa unang pagkakataon upang manungkulan bilang gobernador ng ating mahal na Lalawigang Pangasinan.

Sa darating na June 30, 2016, magtatapos na ang aking pangatlo at huling termino. Ipapasa-kamay ko na ang pamunuan ng ating lalawigan, sa susunod na uupong gobernador, kung sino man ang magwawagi, kung sino man ang inyong pipiliin, sa darating na halalan sa Mayo.

Ako po, sampu ng aking pamilya, ay lubos at taos-pusong nagpapasalamat sa inyong walang sawang pagtitiwala, at pagsuporta sa akin.

Kayong lahat, mga minamahal na kababayan, ang naging gabay at inspirasyon upang maibigay ko ang lahat sa abot ng aking kakayahan na pagsilbihan kayo, at ang ating mahal na lalawigan.

Alam nating lahat kung ano ang ating dinatnan, at kung saan tayo nag-umpisa noong June 2007.

Kayo na mismo ang magpapatunay.

Sa loob ng walong taon at pitong buwan na pagsasama at pagtutulungan, sa ilalim ng aking panunungkulan bilang ama ng ating lalawigan, marami tayong nagawa, malaki ang nagyaring pagbababago, malayo na ang ating narating.

Humantong tayo sa ganitong matatag na katayuan, dahil mahal natin ang Pangasinan.

Ang pagmamahal na yan ang naging gabay at inspirasyon upang ibigay natin ang lahat, upang gawin ang marapat, at itaguyod ang dangal at kapakanan ng ating lalawigan, ang dangal at kapakanan ng mga anak ng Pangasinan.

Mabilis ang mga pangyayari, dahil nag-umpisa tayo na malinaw kung ano ang gusto nating gawin; malinaw sa atin kung ano ang mga pangunahing tungkulin na dapat gampanan ng pamahalaang panlalawigan.

Mabilis ang mga pangyayari, dahil mula umpisa hanggang ngayon, palagi tayong nakatuon sa ating VISION: na ang Pangasinan ang maging “best place to invest, work, live, and raise a family”; nakatuon tayo sa ating MISSION: na gawing Number One ang Pangasinan.

At hinikayat natin ang lahat na maki-isa upang isulong ang mga layuning ito.

Unang inayos natin ang Kapitolyo, kasama ang lahat ng labing-apat na ospital, at pitong agricultural extension facilities ng probinsya, dahil bukod sa ito ang mga gusali at lugar na nagsisilbing mukha at katauhan ng pamahalaang panlalawigan, dito rin nagtatrabaho ang mga kawani at mga opisyal ng probinsya upang maibigay ang tamang serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga ospital.

Kaya dapat lang na ang mga gusali at lugar na ito, kasama ang mga kawani at opisyal ng ating pamahalaan, ang unang-unang maging malinis, maayos, at marangal.

At ganun na nga ang nangyari.

Sa pamagitan ng isang maiksing audio-visual presentation, hayaan po ninyong ipakita muna natin, ang ilan sa mga nangyaring pagbabago.

(INSERT 5-MINUTE AUDIO-VISUAL PRESENTATION HERE)

Ngayon, meron nang bagong anyo, at matatag na katayuan ang Pangasinan.

Kilala at pinag-uusapan na ang ating lalawigan na nangunguna, at huwaran, sa ibat-ibang larangan ng pamamahala, at aspeto ng buhay.

Ngayon, mas maayos, at mas sapat ang kakayahan, ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na mag-bigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan.

Sa loob ng halos siyam na taon, sa pamamagitan ng “regular trainings at team-building sessions”, nahasa ang mga kawani ng Pangasinan upang magtulungan, magsilbi nang marangal,

at ibigay ang buong kakayahan sa bawat gawaing panlipunan.

Upang mas lalo pa silang magsikap na magsilbi sa bayan, inasikaso rin natin ang kanilang kapakanan.

Tayo lang ang lokal na pamahalaan na may sariling Employees’ Health and Wellness Program, na kung saan ay meron silang fitness gym na pwedeng puntahan sa kanilang free time, may libreng periodic check-up, at taunang executive check-up sa ating mga ospital sa buwan ng kanilang kaarawan.

Bukod sa Awards and Recognition na ibinibigay bawat taon, anim na beses nang nabigyan ng dagdag suweldo ang ating mga kawani, sa loob ng ating panunungkulan.

Kaya naman lubos kung magtrabaho ang ating mga kawani.

Ang mga kababayang pumupunta sa ating mga tanggapan at mga ospital, ang mismong nagpapatunay, na patuloy na tumataas ang client satisfaction index sa serbisyo ng ating mga tanggapan at ospital,  mula sa 3.59 noong 2011, umakyat ito sa 4.16 noong 2015, kung saan ay 5 ang pinaka-mataas na score sa antas ng pagka-kuntento sa ating mga serbisyo.

Nakita rin ng Civil Service Commission ang ating mga ginagawa.

Kinilala ang Human Resources Management and Development Office ng Pangasinan bilang Most Outstanding Human Resource Management Practitioner sa Region 1.

Halos lahat ng mga sangay ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan, ay nangunguna rin sa ibat-ibang larangan ng pamamahala, sa buong rehiyon, at sa buong bansa.

Tayo ang 2015 National Hall of Fame Best Provincial Employment Services Office, First Class Province Category; tayo ang Most Outstanding Provincial Accounting Office noong 2008 at 2013; Most Outstanding Provincial Assessor of the Philippines, 2008; Region 1 Most Outstanding Provincial Treasurer, 2011; National Champion, Garantisadong Pambata, 2009; National Champion, DSWD National Pag-asa Youth Summit, 2011; palaging National Awardee for Best Tourism Practices mula pa noong 2012; ang ating Western Pangasinan District Hospital ang nahirang na 2012 National Champion sa DOH Infant Young Child Breastfeeding Project; ang Pangasinan Provincial Hospital ang 2012 Third Best Training Center for Dialysis sa buong bansa; ang ating Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang kaisa-isang nabigyan ng Gawad Kalasag Exceptional DRRM Award noong 2015; at marami pang iba.

 

Ngayon, pagkatapos ng halos siyam na taon, ang ating kapitolyo ay kilala, at itinuturing na pinaka-maganda, sa buong bansa.

 

Ngayon, malayong mas maganda, at mas maayos ang buong Pangasinan.

 

Ngayon, marami ang namamangha, marami ang natutuwa, marami ang nagkakaroon ng panibagong pag-asa at inspirasyon, kasama dyan ang maraming bisitang dumarating araw-araw galing sa ibat-ibang lugar ng Pilipinas, at pati na rin sa ibang bansa.

Ngunit mas higit pa dyan ang panibagong sense of civic pride na namamayani sa ating sariling kababayan, lalo na yung matagal na nawala, o nakatira na sa ibang bansa, at nagkaroon ng pagkakataong bumalik at bumisita, kung kelan ay natunghayan nila ang malaking pagbabago, at bagong anyo ng Pangasinan.

Kasama ang ating malawak na Capitol Beachfront na merong mahaba at solar-lighted baywalk (salamat sa pakikipagtulungan ni Congressman Pol Bataoil, ang Tourism Infrastructures and Enterprises Zone Authority, at ang Team Energy/San Roque Power Corporations), ang Sison Auditorium, ang Capitol Resort Hotel, at ang Narciso Ramos Sports and Civic Center, kilala na ngayon ang ating Capitol Complex bilang pangunahing “tourist attraction” ng Pangasinan, tanda ng isang marangal at maayos na pamamalakad ng isang lokal ng pamahalaan.

 

Ngayon, pangkarinawang matutunghayan ang mga major sports events na ginaganap sa ating NRSCC sports complex, tulad ng Philippine National Games na gaganapin dito sa darating na March 7-11. Ganun din ang pagdaraos ng mga international at national conferences sa ating Sison Auditorium, na sya ring nagpapalaganap ng turismo at mga negosyo dito sa Pangasinan, kasama na dyan ang mga restaurant at mga hotel na naka-paligid sa ating Kapitolyo at mga karatig pook, na kalimitan ay puno na rin ng mga bisita.

 

Sa pamamagitan ng ating “Ilog ko, Bilayen ko, Aroen ko Project”, inayos natin ang inang kalikasan at kapaligiran sa malawakang sakop ng ating lalawigan.

 

Inuna natin ang puspusang pagbaklas ng mga fishpens at illegal fishery structures na noon ay sumakop na sa kalakhan ng mga ilog. Nagsagawa tayo ng dredging operations, sa Dagupan, Binmaley, Bugallon, Lingayen, at Labarador, upang alisin ang mga lupa at duming naipon sa ilalim at bunganga ng Agno River System na naging sagabal sa tuloy-tuloy na daloy ng tubig papuntang dagat. Ito ang dahilan noon na naging marumi at mababaw ang ating kailogan, kaunti ang nabubuhay at nahuhuling isda, at malimit na nababaha ang mga kanayunan.

Pagkatapos malinisan ang mga ilog, ginagawa natin ang malimit na pagpapakawala, sa mga kailogan at communal

waters, ng tilapia fingerlings na galing sa ating provincial fish hatcheries sa Lingayen, Sta. Barbara, at San Quintin.

Nagpapatanim din tayo, sa pampang ng ilog at marine coastal areas, ng mangrove seedlings na pinalaki sa ating provincial mangrove nursery sa Bolinao.

Ngayon, maraming nahuhuling tilapia at sari-saring isda sa tabing-ilog, bukod sa naging maaliwalas at malinis ang kapaligiran ng ating mga kababayan.

Maliban sa Regional Best Practice Award na natanggap natin noong 2011, nakuha din natin ang Regional Gawad Pagkilala Award noong 2013, at National Gawad Pasasalamat sa mga Kabalikat sa Pangisdaan noong 2015.  Lahat ng ito ay dahil sa ating “Ilog ko, Bilayen tan Aroen Ko” project.

Sa kabuuan, tayo ay naging Hall of Famer sa Coastal Resources Management sa Region 1.

Ang Pangasinan din ang nagwaging Cleanest, Safest, and Greenest Province sa Region I noong 2013 at 2014.

Ngayon, lahat ng 5,684 linear meters na provincial bridges ay gawa na sa konkreto o permanenteng istraktura.

Ngayon, 31.22 kms na lang ang natitirang provincial roads na hindi pa aspaltado o konkreto. Nagmula ito sa habang 116.5 kms. na hindi pa aspaltado o konkreto noong 2007.

Ngayon, mas marami na ring aspaltado at konkretong municipal at barangay roads na papunta sa mga pangunahing tourist spots sa Pangasinan.

Hindi nakapagtataka, na kung ang kabuuan ang pag-uusapan, ang Pangasinan ngayon ang pinupuntahan ng pinaka-maraming turista at mga bisita sa buong Region I. Nagmula sa bilang na 141,928 lamang na bisita at turista

waters, ng tilapia fingerlings na galing sa ating provincial fish hatcheries sa Lingayen, Sta. Barbara, at San Quintin.

Nagpapatanim din tayo, sa pampang ng ilog at marine coastal areas, ng mangrove seedlings na pinalaki sa ating provincial mangrove nursery sa Bolinao.

Ngayon, maraming nahuhuling tilapia at sari-saring isda sa tabing-ilog, bukod sa naging maaliwalas at malinis ang kapaligiran ng ating mga kababayan.

Maliban sa Regional Best Practice Award na natanggap natin noong 2011, nakuha din natin ang Regional Gawad Pagkilala Award noong 2013, at National Gawad Pasasalamat sa mga Kabalikat sa Pangisdaan noong 2015.  Lahat ng ito ay dahil sa ating “Ilog ko, Bilayen tan Aroen Ko” project.

Sa kabuuan, tayo ay naging Hall of Famer sa Coastal Resources Management sa Region 1.

Ang Pangasinan din ang nagwaging Cleanest, Safest, and Greenest Province sa Region I noong 2013 at 2014.

Ngayon, lahat ng 5,684 linear meters na provincial bridges ay gawa na sa konkreto o permanenteng istraktura.

Ngayon, 31.22 kms na lang ang natitirang provincial roads na hindi pa aspaltado o konkreto. Nagmula ito sa habang 116.5 kms. na hindi pa aspaltado o konkreto noong 2007.

Ngayon, mas marami na ring aspaltado at konkretong municipal at barangay roads na papunta sa mga pangunahing tourist spots sa Pangasinan.

Hindi nakapagtataka, na kung ang kabuuan ang pag-uusapan, ang Pangasinan ngayon ang pinupuntahan ng pinaka-maraming turista at mga bisita sa buong Region I. Nagmula sa bilang na 141,928 lamang na bisita at turista

Ngayon, pwede na nating ipagmalaki, na dito sa Pangasinan, walang ama ng tahanan ang natatakot na magkasakit ang kanyang asawa at mga anak, dahil alam niya na mabibigyan sila ng sapat at libreng gamot at competent medical care sa labing-apat na ospital ng pamahalaang panlalawigan.

Ngayon, lahat ng labing-apat na ospital ng pamahalaang panlalawigan ay maayos, at mas higit pa sa ibang pribadong pagamutan, ay merong sapat na diagnostic equipment at mga tauhan, na kayang ibigay ang sapat at tugmang lunas sa bawat pasyenteng pumapasok dyan.

Sa katunayan, malayong lampas na sa approved operating capacity ang bilang ng mga pasyenteng inaasikaso ng mga ospital natin, araw-araw.

Bukod pa sa turismo, hindi rin pahuhuli ang taga-Pangasinan sa larangan ng economiya at usaping pangkabuhayan,

Sa loob ng walo at kalahating taon, mula noong July 2007 hanggang December 2015, umabot na sa 11,964 na job applicants ang nailagay sa trabaho, ng ating Provincial Employment Services Office (PESO), sa loob at labas ng bansa.

Ang ating PESO ang una sa buong bansa na nagtatag ng Bantay Barangay, Tulong Hanapbuhay, isang proyektong panlaban sa illegal recruitment at human trafficking. Naitatag na rin ang Pangasinan OFW and Overseas Filipino Family Credit Cooperative para sa karagdagang pangkabuhayan ng mga OFW sa Pangasinan.

Sa kabilang dako, ang Pangasinan Credit Surety Fund (PCSF), ay inilunsad noong 2010 upang suportahan ang capital requirements ng mga livelihood cooperatives.

Makakahiram ang mga PCSF member-cooperatives sa PCSF member-banks, ng sampung pisong capital sa bawat pisong contribution nila sa PCSF.

Noong December 2015, umabot na sa P35.692 million ang kabuuang ambag ng 26 cooperatives sa PCSF. Lalaki pa yan dahil tuloy-tuloy ang pagsisikap natin, kasama ang PCSF Management Board, upang mas lalong dumami ang mga kooperatibang maitatatag at sasapi sa PCSF.

Sa kabilang dako, noong December 2015, umabot na sa P285.3 million ang nahiram ng mga kooperatiba sa mga bangko ng PCSF, kagaya ng Land Bank, DBP, at PNB.

Patuloy na lumalago ang contributions sa PCSF, kaya patuloy ding lumalaki ang loan portfolio ng PCSF para sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga kooperatiba.

Kaya naman, sa dalawang magkasunod na taon, noong 2012-2013, hinirang ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Lalawigan ng Pangasinan bilang National Most Outstanding LGU sa pamamalakad ng Credit Surety Fund.

Idagdag natin dito ang P58.7million loans na galing sa Provincial Livelihood Revolving Fund, na mula noong 2008, ay napondohan ang hanapbuhay ng mahigit 16,000 small business operators, at 12 goat raisers’ associations sa buong lalawigan.

Ganun din sa agrikultura.

Mula sa 86,445 na ektaryang taniman na may patubig na noong 2007, ito ay tumaas pa sa 102,628 na ektarya noong 2014. Noong 2015, naglaan pa tayo ng karagdagang P100 million upang gawin ang mga communal irrigation systems, at maglagay ng mga gripo, upang patubigan ang karagdagang 23,116 na ektaryang taniman.

Bukod sa patubig, nagbibigay din ang pamahalaang panlalawigan ng pautang para pambili ng pataba at iba pang pangangailangan ng mga magbubukid.

Dahil sa tuluyang tumataas ang aning palay, mula sa mahigit 811 thousand MT noong 2007, hanggang umabot sa 1.3million MT noong 2014, ang Pangasinan ay nahirang na isang National Hall of Famer sa Agri-Pinoy Rice Achievers’ Award.

Maganda rin ang naging ani ng mais, kaya binigyan tayo ng Department of Agriculture ng National Quality Corn Achiever’s Award, noong 2013 at 2014.

Idagdag pa natin dito ang suporta ng lalawigan sa production ng high value crops, fish culture, at livestock raising ng ating mga kababayan.

Kaya naman, sa tatlong taon (noong 2009, 2010, at 2013) ay naging Regional Champion ang Pangasinan sa Poverty Reduction Program Implementation.

Ang mismong National Statistical Coordination Board (NSCB) ang nagpatunay, na mas epektibo nga ang takbo ng mga programang tugon sa kahirapan sa Pangasinan, kaysa sa buong bansa.

Ayon sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey ng NSCB, para sa taong 2006-2012, mas mabilis ang pagbaba ng “poverty incidence” sa Pangasinan.

Ayon sa nasabing “survey”, ang “poverty incidence” sa buong bansa ay bumaba lang ng 1.1% (nagmula sa 21% noong 2006 at bumaba sa 19.17% noong 2012). Samantalang sa Pangasinan, bumaba ito ng 6.9%  (nagmula sa 21.8% noong 2006 at bumaba sa 14.9% noong 2012).

Makikita rin na mas mababa ang mismong poverty incidence sa Pangasinan (14.9%) kaysa poverty incidence sa buong bansa (19.7%) noong 2012.

Ang Pangasinan ngayon ang kasalukuyang Best Performing Province sa Region 1, at pang-apat sa buong bansa.

Tayo rin ang nag-iisa pa lang na lalawigan sa Region 1 na may hawak ng Regional Gawad Pamana ng Lahi, ang itinuturing na “mother of all local governance awards”.

Ito ay dahil narating na natin ang Regional Hall of Fame sa:
1) Local Governance Performance Management;
2) LGU Best Practices;
3) Regional Development Agenda Implementation;
4) Project Implementation of Millenium Development
Goals;
5) Maintenance of Sound Statistical Management
Systems; at
6) Coastal Resources Management.

Kasama dito ang pagtanggap natin sa bawat taon mula noong 2011, ng Seal of Good Housekeeping, na naging Seal of Good Local Governance noong 2014. Ito ang patunay na tinutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang “transparent and accountable local governance.”

Hindi ko na iisa-isahin pa, at talaga namang marami nang nangyaring pagbabago, at marami nang mga awards at parangal ang ating tinanggap galing sa ibat-ibat sangay ng pamahalaan, sa regional at national level.

Ang lahat ng ito ang nagbibigay sa ating mga kababayan ng panibagong pananaw at pagtitiwala sa pamahalaan, nagbibigay ng bagong pag-asa, ng tunay na pagpapahalaga at pagmamahal sa Pangasinan, at ng bagong katayuan kung saan humuhugot ng lakas ng loob ang mga anak ng Pangasinan upang ipagmalaki ang sariling lalawigan.

Nakita natin ito sa mga kabataan na kasali sa ating sports development program.

Mula noong 2011, palagi nang nagwawagi ang Pangasinan, at kasama sa Top 3 finishers, sa taunang pagtatanghal ng Region I Athletic Association Meet.

Ganun din ang mga kabataang chess players na karaniwang nag-uuwi ng mga medalya, kagaya nina Samantha Revita at Cherry Ann Mejia, na sa ngayon ay pareho nang Woman Fide Masters. Si Haridas Pascua naman ay malapit nang maging International Grand Master.

Upang maging mas malalim at mas malinaw ang pagkilala at pananaw ng ating mga kababayan sa sariling lalawigan, binigyan din natin ng kaukulang pansin, at binabalikan, ang ating kasaysayan, kultura, at mga pamana, nang sa ganun ay mas makilala pa natin ang ating mga sarili bilang mga anak ng Pangasinan.

Ayon sa pananaliksik ng kilala na ngayon na Pangasinan Historical and Cultural Commission, sa pamumuno ng dating Bise-Gobernador ng Pangasinan, na dating Presidente, at ngayon ay Chancellor, ng Lyceum Northwestern University, ang aking kaibigan, Atty. Gonzalo T. Duque, ang tunay na Araw ng Pangasinan ay April 5, 1580.

Kaya nga mula noong April 5, 2010, kung kelan tayo nagdiwang ng tamang Araw ng Pangasinan sa kauna-unahang pagkakataon, tuloy-tuloy ang ginagawang pananaliksik, pangangalaga, at pagpapalaganap sa ating kasaysayan, kultura, at pamana, at ang pagkilala sa likas nating pagkatao bilang mga anak ng Pangasinan.

Ang mga ito ay ginagawa natin sa tulong ng Pangasinan Historical and Cultural Commission, Ulopan na Pansiansiay Salitan Pangasinan, at kamakailan lang, ang Center for Pangasinan Studies, sa pangunguna ng University of the Philippines, kasama ang LNU, UPang-Phinma, UL, VMU, at Collegio de Dagupan.

Kasama dito ang ASNA Award, na inumpisahan natin noong April 5, 2010, bilang pagkilala at pagbigay parangal sa mga Outstanding Sons and Daughters of Pangasinan, kagaya ng ating mahal na Presidente FVR, at National Artist Francisco Sionil Jose, upang mag-silbing role-models na puedeng tularan ng mga kabataang Pangasinan.

Meron na tayong Pangasinan Hymn, na mula pa noong 2010 ay kinakanta sa lahat ng eskuwelahan, at sa mga pormal na kaganapan sa buong Pangasinan.

Noong 2011, ang Pangasinan ang naging kauna-unahang lalawigan sa buong bansa na nagkaroon ng sariling local language orthography na may akmang basbas at pagkilala ang Komisyon sa Wikang Filipino.

Pagkatapos ng isang masusing pananaliksik at pag-aaral, natapos din at nailabas natin noong April 5, 2015 ang PINABLIN DALIN, ang bagong aklat ng kasaysayan ng Pangasinan, na isinulat sa pamamahala ng PHCC, kasama ang ilang academic researchers, at sa pangunguna na rin ng ating PHCC Commissioner Virginia Pasalo, na nag-silbing lead author at editor.

Sa kasalukuyan, ginagawa na ng PHCC at Dep-Ed ang instructional materials upang maituro na sa susunod na taon ang kasaysayan ng Pangasinan sa mga elementary at high schools sa buong lalawigan.

Inilunsad din natin ang Kurit Panlunggaring noong April 5, 2012 upang mahikayat ang mga kabataan at iba pang manunulat, na gumawa ng mga tula, kuwento, at nobela sa salitang Pangasinan. Noong April 5, 2015, nailabas din natin ang isang libro o antolohiya ng mga nanalo sa paligsahang ito, mula noong 2012 hanggang 2014.

Upang manatiling buhay ang ating kultura sa mga bayan-bayan, meron na rin tayong taunang paligsahan sa mga katutubong kanta, sayaw, at zarzuela ng Pangasinan.

Ginagawa natin ang lahat ng ito, upang manatiling sariwa at buhay sa ating mga isipan at buong pagkatao, ang ating pagiging Pangasinan, lalo na sa mga kabataan na magpapatuloy ng lahat ng ito pagkatapos natin.

Sana, huwag tayong lumihis sa tinatahak nating daan. Sana, magka-isa at sama-sama nating itulak, at ipagpatuloy ang pag-unlad ng ating lalawigan.

Sa kabila ng maraming pagbabago, at magandang takbo ng buhay sa Pangasinan, marami pa rin ang naiwan na dapat gawin, o mga bagay na dapat bigyan ng panibago at mas masusing pansin.

Una dito ang mithiin na makapag-tatag ng Economic Zones dito sa Pangasinan.

Dahil sa maruming kamay ng pulitika, pansamantalang natigil ang ating paggawa ng golf course at eco-tourism zone sa Lingayen. Ito sana ang pang-akit natin ng mga investors upang magtatag ng mga negosyo, at magkaroon ng dagdag hanap-buhay ang ating mga kababayan.

Matagal na rin nating pinag-uusapan ang pagtatag ng isang malaking shipyard at oil refinery sa Sual.

Sana matuloy ang mga ito dahil talaga namang nakapang-hihinayang.

Matagal nang nandyan sa ating sariling bakuran ang Sual at San Roque Power Plants na nagsu-supply sa power requirements ng mga industriya sa ibang lalawigan sa Luzon. Sana, magkaroon na rin tayo ng kahit isa man lang na malaking industrial concern na magtatatag ng negosyo dito sa Pangasinan.

Pulitika rin ang naging sagabal, kaya hanggang ngayon, kahit anong sikap natin mula pa noong 2007, wala pa rin tayong commercial seaport, at matagal nang tumigil yung hindi pa tapos na seaport project sa Sual.

Tungkol naman sa commercial airport, na pang-akit din sana ng mga negosyo sa Pangasinan, kausap natin mula pa noong 2010 ang mga taga-pamahala ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), upang tayo ay makipag-tulungan sa kanila.

Sa katunayan, matagal nang naka-laan ang ambag na pondo ng probinsya na pambili ng 5 ektaryang lupa upang pahabaan ang runway ng paliparan dito sa Lingayen.

Sa kanilang huling liham noong January 5, 2016, na nilagdaan ni B/GEN Rodante S. Joya ng CAAP, ang proposed 3C-compliant Lingayen Airport ay planong gawin ng CAAP sa CY2016 hanggang CY2019.

Kaka-umpisa pa lang ng National Irrigation Administration ang ARISEP (Agno River Irrigation System Extension Project) na kung matapos ay inaasahang magpapatubig ng karagdagang 12,894 na ektaryang sinasaka ng mahigit 10,500 na magbubukid sa mga bayan ng Natividad, San Quintin, San Nicolas, Sta. Maria, Tayug, Balungao, Rosales, at Umingan.

Sa kasalukuyan, meron pang 80,197 hectares na sakahan sa Pangasinan na dapat mabigyan ng patubig.

Sa kabilang dako, maiging pinag-aralan ng mga dalubhasa, sa pangunguna ni Dr. William Dar, na dating Kalihim ng Agrikultura, upang magamit ang malaking potential ng Pangasinan na maging taniman ng high value tropical crops. Kung maayos ang supply chain, magta-tatag sila ng major agro-industrial operations dito sa Pangasinan.

Nag-umpisa na sa Salvacion, Rosales kung saan nag-tayo ang PRASSAD, isang India-based company, ng isang corn seeds processing plant na siyang bibili ng aning mais ng mga magsasaka sa Eastern at Central Pangasinan.

Dapat din nating bigyan nang mas madiing pansin ang pag-buo ng mas marami pang kooperatiba sa mga barangay, upang magkaroon nang karagdagang hanapbuhay ang mga tao, lalo na ang mga magsasaka, na mas maraming panahong walang ginagawa habang naghihintay ng anihan pagkatapos ng tagtanim.

Dito natin puedeng gamitin ang ating Credit Surety Fund, na handang suportahan ang mas marami pang kooperatiba sa Pangasinan.

Uulitin ko rin ang dati ko nang panawagan, na ituloy at mas lalong palakasin ang pagpuksa sa problemang illegal na droga. Tayo ay magka-isa upang tuluyan na sanang mawala sa ating mga kanayunan, upang tuluyan nang maglaho sa buong lalawigan, ang salot na ito sa ating lipunan.

Ipagpatuloy po natin ang mga programa para sa kalusugan, kabuhayan, kapayapaan, at kaligtasan ng bawat mamamayan, at pangalagaan natin ang ating kalikasan.

Minamahal kong mga kababayan, aalis ako sa katungkulang ito, na lubos ang pasasalamat sa Poong Maykapal sa pambihirang pagkakataong ibinigay sa akin upang mapagsilbihan ko kayong lahat, upang mapagsilbihan ko ang ating mahal na lalawigan.

Aalis ako na puno ng pasasalamat sa inyong lahat, sa ibinigay ninyong pagtitiwala, sa tatlong beses na pagbigay ninyo sa akin ng mandato upang mamuno sa ating lalawigan, at sa inyong suporta at pakiki-isa sa buong panahon ng aking panunungkulan.

Nagpapasalamat ako sa ating mga congressmen, sa lahat ng mga pinuno, ibang mga opisyal, at mga kawani ng mga lokal na pamahalaan, ganun din ang mga pinuno, opisyal, at kawani ng ibat-ibang mga ahensya ng pamahalaan, kasama ang kabalikat natin na mga NGOs at civil society groups, na walang sawang umantabay at nagbigay-suporta sa pagsulong natin sa mga layunin at mga proyekto para sa Pangasinan.

Ganun din ang pagtanaw ko nang malaking utang na loob, at taos-pusong pasasalamat kay Bise-Gobernador Ferdie Calimlim, at sa buong Sangguniang Panlalawigan, dahil hinding-hindi nila ako pinabayaan, at ako’y kanilang sinamahan, sa hirap at ginhawa.

Nagpapasalamat ako sa mga department heads, at sa lahat ng empleyado sa kapitolyo, na naging kaagapay ko sa loob ng halos siyam na taon, sa kanilang tiyaga, mga sakripisyo, at pag-antabay upang magampanan ko ang malaking responsibilidad bilang ama ng Pangasinan .

At kahit sila ang panghuli kong babanggitin, hinding-hindi matatawaran ang mga sakripisyo, pagmamalasakit, pag-unawa, at suportang ibinigay ng aking mga mahal sa buhay, ang aking kabiyak na si Mely, na katuwang ko, at kasamang sumasabak sa mabibigat na pagsubok na kalakip ng aking katungkulan, ganun din ang aking Mamang na lubhang naapektuhan, kasama ang aking mga anak at buong pamilya, ganun din ang mga matalik na kaibigan, na nandyan lang at hindi ako pinapabayaan.

Maraming salamat.

Aalis ako sa tungkuling ito na magaan ang kalooban.

Magaan ang aking kalooban dahil iiwanan ko sa susunod na Gobernador ang isang Lalawigan ng Pangasinan na mas maganda, mas maayos, mas maunlad, mas marangal, at ngayon ay tinitingala na sa buong bansa.

Iiwanan ko sa susunod na Gobernador ang mga mamamayan at mga anak ng Pangasinan, na mas maganda ang katayuan, na buo ang loob, na tunay na nagmamahal, at nagmamalasakit, sa sariling bayan.

Huwag sana nating hayaang masira, huwag natin sayangin, bigyan natin ng tama at matibay na pagpapahalaga, ang lahat ng mga pagbabago na naipundar natin: ang matatag at mataas na katayuan ng ating lalawigan sa harap ng buong bansa; ang karangalang nadarama ng ating mga kababayan bilang mga anak ng Pangasinan.

Atin ang Pangasinan…..Kayo…..tayo ang Pangasinan.

Mabuhay…mabilay so Pangasinan!

Salamat ed Diyos. Salamat ed sikayon amin.

Non Profit Organization under section 501(c)(3)